Binawalan ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga sundalo na dumaan sa mga bus lane sa EDSA.
Ang direktiba ay batay sa nakasaad sa isang Memorandum para sa lahat ng AFP Commanders at Chiefs of Offices sa Camp Aguinaldo na inisyu nitong July 2, 2020.
Nakasaad dito na agad na papatawan ng Administrative at Disciplinary Action ang sinumang sundalo na mahuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) o Philippine National Police (PNP) o mai-report ng concerned citizens na nagmamaneho sa mga bus lane sa EDSA.
Ginawa ito ng AFP para makatulong sa pagpapabilis ng biyahe ng mga pampublikong sasakyan, at makatulong sa pag-manage ng traffic sa EDSA.
Giit ni AFP Chief of Staff Gen. Felimon Santos Jr. sa mga tauhan ng AFP, ang kanilang mga ranggo ay hindi nagbibigay ng awtorisasyon sa kanila na lumabag sa batas trapiko.