Mga sundalo sa Sulu, binisita ni WesMinCom Commander MGen. Corleto Vinluan matapos ang pagsabog

Binisita ni Wesmincom Commander Major Gen. Corleto Vinluan ang mga tropa ng Joint Task Force Sulu sa Headquarters ng 11th Infantry Division kahapon.

Ito ay matapos ang kambal na pagsabog nitong Lunes sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng walong sundalo.

Sa pagtungo ni Vinluan sa Sulu, kinumusta nito ang mga sundalong nasugatan sa insidente na nagpapagaling sa Camp Teodulfo Bautista Station Hospital.


Ginawaran ni Major Gen. Vinluan ng Wounded Personnel Medal sina Sergeant Jose Alonzo, Corporal Philip Anthony Aleta, Corporal Aldrin Paj-dio, Private First Class Novin Guzman, Private First Class Jayson Paguirigan, Private Stephen Rey Oliveros, Private Alphasier Tapsi at Private Alviner Hamsaji, na kabilang sa 21 sundalong nasugatan sa pagsabog.

Nakipagpulong rin si Major Gen. Vinluan sa mga opisyal ng Sulu at tinalakay ang sitwasyon sa lalawigan kasunod ng malagim na insidente.

Tiniyak ni Major Gen. Vinluan sa mga opisyal na sa kabila ng pangyayari ay hindi natitinag ang militar na tiyakin ang kaligtasan ng mga kapatid na Tausug sa Sulu.

Facebook Comments