Nakatanggap ng medalya at pabuya mula kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng Philippine Marines na nagsagawa ng operasyon noong March 21, 2021 sa Kalupag Island, Languyan, Tawi-Tawi kung saan 4 na Indonesian hostages ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang naligtas.
Si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana ang nanguna sa seremonya at iginawad ang Distinguished Navy Cross kay Col. Nestor Narag, Jr., ang Deputy Commander ng Joint Task Force Tawi-Tawi.
Si Narag ang nagmando sa fleet-marine operation na nagresulta sa pagkakaligtas ng mga bihag at pagkakapatay ng Abu Sayyaf Group leader na si Majan Sahidjuan alyas Apo Mike at dalawa niyang followers.
Ginawad naman ang Silver Cross Medal sa Special Intelligence Team sa ilalim ng 2nd Marine Brigade na nag-supply ng impormasyon na nagresulta sa matagumpay na operasyon sa Kalupag Island, Languyan at Tandungan Island, at Tandubas, Tawi-Tawi.
Isinagawa ang awarding ceremony sa covered court ng 2nd Marine Brigade headquarters sa Barangay Sanga-Sanga, Bongao, Tawi-Tawi kahapon, kung saan iniabot din ni Sobejana ang ₱2-milyong gantimpala mula sa pangulo sa mga operating units na nakapatay kay Apo Mike.