Mga Suspek na Bumaril sa Isang Helper, Tinutugis pa rin!

*Cauayan City, Isabela- *Patuloy pa rin na pinaghahanap ng mga otoridad ang mga suspek na bumaril sa isang manggagawa sa Brgy Casalatan, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan na si Charlie Canos, 25 anyos, helper, residente ng Brgy San Antonio, Ilagan City, Isabela habang inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, pasado ala una ng hapon noong Marso 11, 2019 ay patungo sa Brgy Casalatan, Cauayan City ang biktima kasama si Efren San Agustin Jr. lulan ang isang motorsiklo at nang makarating sa Rancho Oro ay hinintuan ang mga ito ng isang L300 Van.


Sinabihan ng driver at pasahero ng van ang biktima na sumakay sa kanilang sasakyan dahil inutusan din daw ang mga ito ng kanilang boss na kunin ang ipinapakuhang kambing sa naturang lugar.

Agad namang sumakay ang biktima at naiwan ang kasama nito na si Efren San Agustin Jr.

Nang makarating ang sasakyan sa bukirin ng Brgy. Casalatan, bumaba ang biktima ngunit agad itong pinaputukan ng baril sa kaliwang bahagi ng dibdib at nagawa namang tumakas sa maisan ang biktima matapos tangkaing paputukan ng pangalawang beses ng pasaherong suspek.

Agad namang umalis sa hindi pa mabatid na direksyon ang mga suspek matapos ang pamamaril sa biktima.

Facebook Comments