Las Piñas City – Nasagip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation o NBI ang kasisilang pa lang na sanggol matapos tangkain ibenta ng mga nagpakilala niyang mga magulang at mag-asawang nagsilbing “ahente” sa Las Piñas City.
Ayon kay Ronald Aguto, hepe ng NBI – International Operations Division, nadiskubre nila ang bentahan ng sanggol sa Facebook page na makikita pa ang palitan ng mensahe at mga nagpapasalamat na nagkaroon ng anak.
Paliwanag naman ng mga nagpakilalang ina ng sanggol, plano talaga nilang ibenta at ipaampon ang sanggol noong ipinagbubuntis pa lang niya ito.
Pero ang nagpakilalang ama ng bata, sinabing posibleng inalok lang ng malaking halaga ang kaniyang asawa.
Paliwanag ng suspek na si Justin Eusebio, ang ina ng sanggol ang nag-chat sa kaniyang asawa para humingi ng tulong at nagpapapresyo na.
Giit ni Aguto, duda sila kung talaga sila ang mga magulang ng sanggol dahil hindi nila nakikitaan ng pagsisi ang mga ito sa ginawang pagbebenta sa bata.
Aniya, iimbestigahan na rin nila natanggap nilang mga impormasyon na may mga sanggol na nawawala sa mga bahay-paanakan o ospital.
Iimbestigahan din aniya ang cellphone ng mga suspek at Facebook page para alamin kung mayroon pang ibang mga sanggol na naibenta ang grupo.