Mga Suspek na Pumatay sa Kapitan ng Camalaniugan, Cagayan, Nalambat na!

Cauayan City, Isabela- Bumagsak na sa kamay ng mga alagad ng batas ang mga salarin na pumaslang sa Kapitan ng Brgy. Julian Olivas, Camalanuigan, Cagayan matapos ang isinagawang manhunt operation ng mga otoridad.

Nakilala ang mga suspek na sina Geronimo Joaquin, alyas “James Bond”, 39-anyos, tubong Urdaneta, Pangasinan na kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Centro Norte, Camalanuigan, Cagayan at isang Alvin Carlo Aggabao na tubong Camalaniugan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCol. Ariel Quilang, Provincial Director ng PNP Cagayan, pinagbabaril ng riding in tandem pasado alas 8:00 ng gabi, April 21, 2020 ang biktimang si Brgy. Captain Eranio Caleda, 46 taong gulang habang nag-aayos ng linya ng kuryente sa barangay checkpoint matapos na magkaroon ng power interuption.


Naisugod sa pagamutan ang nasabing Kapitan subalit nalagutan din ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek kung saan nakumpiska sa pag-iingat ni Joaquin ang isang kalibre ng 45 na baril na may kasamang bala.

Kasalukuyang nasa himpilan ng pulisya ang dalawang suspek para sa mga karagdagang imbestigasyon.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong Murder na isasampa laban sa dalawang suspek.

Facebook Comments