Mga suspek sa pagpatay sa anak ni Sariaya, Quezon Mayor Marcelo Gayeta, iniharap sa media

Sa ikalawang pagkakataon, muling nagkita ang mga kamag-anak ng napatay na anak ni Sariaya, Quezon Mayor Marcelo Gayeta at ang tatlong pulis ng Tayabas-PNP na suspek sa nangyaring pagpatay.

Iniharap ng NBI sa media ang mga suspek na sina Police Colonel Mark Joseph Laygo, dating Chief of Police ng Tayabas-PNP, Police Corporal Lonald Sumalpong at Patrolman Robert Legaspi.

Inaresto ang mga ito habang nasa restrictive custody ng Quezon-PNP matapos boluntaryong sumuko sa kanilang Regional Director noong Marso.


Nagpalabas kasi ng arrest warrant ang korte sa Tayabas-Quezon laban sa tatlong pulis matapos makitaan ng sapat na batayan ang isinampang double murder case ng NBI.

Sina Police Colonel Laygo, Police Corporal Sumalpong at Patrolman Legaspi ang itinuturong bumaril at nakapatay noong March 14, 2019 sa isang checkpoint sa Tayabas Quezon kina Christian Gayeta anak ni Sariaya Quezon Mayor Marcelo Gayeta at kasamahan nitong Christopher Marcelo.

Naging matipid naman ang NBI sa paglalahad ng detalye sa kung ano ang posible o tunay na motibo sa pagkakapatay kina Gayeta at Marcelo dahil nasa korte na rin naman ang kaso.

Sinabi ni Mayor Gayeta na wala rin silang alam sa ngayon kung bakit pinatay ang kanyang anak.

Facebook Comments