Cauayan City, Isabela – Kahirapan at kakulangan ng maayos na pagkakakitaan, dahilan kung bakit patuloy pa rin ang operasyon at pag-anib ng ilan sa mga rebeldeng grupo sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan sa katatapos na Cagayan valley Regional Peace and Order Council 4th Quarter Regular Meeting na ginanap kahapon Disyembre 21, 2017.
Ayon sa Gobernador hindi pera kundi trabaho ang pinaka mainam na solusyon upang mapababa at tuluyang magbalik-loob sa pamahalaan ang mga miyembro ng mga rebeldeng grupo na kanilang tinawag na CNN o (Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA) at National Democratic Front (NDF)
Naniniwala umano siyang natugunan na ng gobyerno ang marami sa dating ipinaglalaban ng mga rebelde kung kaya’t ang matustusan ang kanilang pang-araw araw na pangangailangan ang kanyang nakikitang dahilan na lamang kung bakit may mga grupo pang pinipiling labanan ang pamahalaan at mangikil sa mamamayan.
Sa talumpati ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Director Adonis Bringas sa parehong okasyon, hiniling ni Mamba na bukod sa mga proyekto sa pagsasaayos ng mga daan at mga tulay, makabubuti din umano kung makapaglalaan ang OPAPP ng tulong mula sa kanilang programang “PAyapa at MAsaganang PamayaNAn” (PAMANA), upang maisakatuparan ang layuning pagbibigay ng trabaho sa mga magbabalik loob na miyembro ng CNN.
Ikaw Kasama, trabaho nga ba ang magtutuldok sa mga rebeldeng grupo sa bansa?