Ikinatuwa ng mga guro, magulang at mga estudyante ang mga gadget na ipinamahagi ngayong araw ng Mandaluyong City Government sa mga estudyante ng pampublikong paaralan sa lungsod.
Kabilang sa mga ipinamahagi ang mga laptop, tablet at module na gagamitin ng mga mag-aaral sa kanilang distance learning.
Pinangunahan mismo ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, kasama ang ilang mga opisyal at kinatawan ng Department of Education, estudyante, mga magulang at mga guro na masayang tinanggap ang naturang mga gadget.
Ayon kay Abalos, mula sa Grade 4 at Grade 12 students ay bibigyan ng tablet na umaabot sa 41,000 para sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan sa lungsod.
Paliwanag ng alkalde, ang naturang hakbang ng Local Government Unit (LGU) ay bilang paghahanda na may temang “balik e-eskuwela na, class home pa,” kung saan sa unang Quarter pa lang ng Setyembre ay naihatid na sa mga guro ang kanilang pangangailangan na gagamiting module sa mga pampublilong paaralan.
Mamamahagi rin ang mga guro at LGU’s ng Mandaluyong ng 2,000 laptop mula sa Grade 1 hangang Grade 3 pupil kasama na rin ang mga module na gagamitin sa pag-aaral.
Sinagot na ng Mandaluyong City Government ang lahat ng gastusin na ipinamahagi sa mga mag-aaral at guro na umaabot sa P557 million halaga ng mga gadget.