Mga taga DA at BOC na dawit sa smuggling ng produkto, pinapapatawan ng preventive suspension

Hinamon ni Senator Imee Marcos ang pamahalaan na patawan ng preventive suspension o tanggalin ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na sabit sa smuggling ng mga produkto.

Ang hamon ng senadora sa gobyerno ay kaugnay na rin sa pagtanggap ni Pangulong Bongbong Marcos sa pagbibitiw ng 18 opisyal ng Philippine National Police (PNP) na idinadawit sa kalakaran ng iligal na droga at ang banta ng pangulo sa kanyang nagdaang State of the Nation Address (SONA) na bilang na ang araw ng smugglers at hoarders sa bansa.

Ayon kay Senator Marcos, maaaring bigyan ng ultimatum ng presidente ang DA at BOC dahil batid naman na hindi maglalakas loob ang mga smugglers kung wala itong kasabwat sa loob ng mga nabanggit na ahensya.


Katunayan aniya, tukoy naman na kung sinu-sino ang mga big-time smugglers sa bansa at may mga intelligence report na susuporta sa mga alegasyon.

Giit pa ng mambabatas, tulad ng ginawa sa hanay ng Philippine National Police (PNP) ay ganito rin ang gawin sa DA at BOC kung saan ang mga opisyal na may matitinding report ng katiwalian ay dapat na simulan sa pagsipa sa pwesto, imbestigahan at kung mapatunayan ay sampahan ng kaso.

Hindi naman malaman ni Senator Marcos kung ano ang pumipigil sa DA at BOC para tugisin at kasuhan ang mga smugglers sa kabila ng batas na Anti-Smuggling Law.

Sa aspeto naman ng pagtatalaga ng anti-smuggling czar, ipinauubaya naman ni Senator Marcos ang desisyon sa kanyang kapatid na pangulo.

Facebook Comments