Mga Taga Didipio, Nagmartsa Pabor sa Oceana

Nagsagawa ng pagkilos ang mga mamamayan ng Barangay Didipio, Kasibu Nueva Vizcaya upang ihayag ang kanilang pagpabor sa pagpapalawig ng Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) ng Oceana Gold Philippines Incorporated o OGPI.

Ang ginawang aktibidad ngayong umaga ng Disyembre 19, 2019 sa naturang barangay ay binansagang “Martsa ng Pag-asa” na inorganisa ng Coalition of Communities for Sustainable Development o CCSD na nakabase sa Kasibu ng naturang lalawigan.

Sa naturang pagkilos ay nagsagawa sila ng simpleng programang kultural na pagsayaw at pagtugtog ng katutubong instrumento na sinabayan ng sayaw ng mga katutubong Tuwali.


Ang mga prominenteng personalidad ng Barangay Didipio na nagtalumpati sa naturang programa ay sina dating Punong Barangay Alfredo Pugong Jr, Ginang Jackie Marquez na isang residente ng barangay, Barangay Kagawad Henry Guay at Ginang Simplicia Anananayo na presidente ng Didipio Community Development Corporation.

Ilan sa kanilang ipinahayag ay ang maging negatibong epektong pang ekonomiya sa mga mahigit isang libong direktang manggagawa ng kumpanya ng Oceano Gold, apat na libong inderektang empleyado ng naturang minahan at sa mismong kumunidad.

Kanila ding inihayag ang suporta sa pagpapalawig sa FTAA ng OGPI na nabinbin dahil lamang sa burukratang sistema.

Binatikos din ang binansagang illegal na checkpoint na itinalaga papasok sa lugar ng kumpanya dahil sa sulat mismo ni Kalihim Eduardo Año sa pamahalaan ng Nueva Vizcaya ay sinabing bukod tanging PNP at AFP lamang ang pinapayagang magsagawa ng checkpoint.

Isiniwalat din sa mga talumpati na mayroong pansariling interes na nasa likod lahat ng mga kontra sa OGPI na ang kagustuhan ay maglagay ng panibagong kumpanya ng minahan sa erya ngayon ng Oceana.

Inihayag pa na kailangang maipagpatuloy ang progreso at pag-angat ng mga kabuhayan at empleyo sa kanilang lugar sa pamamagitan ng pagpapanumbalik sa operasyon ng naturang kumpanya ng minahan.

Kanila ding ipinagsigawan na panahon na rin na mapakinggan ang tunay na boses ng mga nakakaraming naninirahan sa Didipio laban sa mga pawang paninira at hindi umano eksaktong mga balita at impormasyon sa social media.

Nagtapos ang ginawang “Martsa ng Pag-asa” ng maayos at mapayapa maski sila ay hinarap at sinabayan din ng pagsisigaw ng mga islogan na iilang mga kontra sa OCPI.

Facebook Comments