Manila, Philippines – Hinimok ni Committee on Public Information Chairman Bernadette Herrera-Dy ang Presidential Communications Operations Office na irekomendang kasuhan ang sinumang mapapatunayang nananabotahe o nagpabaya sa operasyon ng Philippine News Agency.
Ito ay kaugnay sa mga sunud-sunod na kapalpakan ng PNA kung saan pinakahuli ay ang mga instructions sa isang empleyado na na-i-post sa PNA website.
Ayon kay Herrera-Dy, hinihikayat niya sina PCOO Sec. Martin Andanar at Usec. Joel Egco na magsampa ng kasong administratibo at disciplinary cases sa mga nasa likod ng palpak na trabaho ng PNA.
Giit ng kongresista, masyado ng marami ang mga kamaliang nagagawa sa PNA na hindi dapat palagpasin.
Maaari aniyang maparusahan ang mga empleyado ng PNA ng simple to gross neglect of duty at dishonesty.
Panahon na aniya para ayusin ang nakasanayang baluktot na sistema ng ahensya tulad ng pagdidisiplina at pagkakaroon ng professionalism sa mga kawani nito.