Mga taga-Quezon City, hindi dapat matakot sa COVID-19 UK variant kung sumusunod sa health protocols

Walang dapat na ikatakot ang mga taga-Quezon City matapos na maitala sa lungsod ang unang kaso ng COVID-19 UK variant.

Kasunod ito ng mga ulat na diskriminasyon sa mga residente ng Barangay Kamuning kung saan ilang empleyado ang umano’y hindi na muna pinapasok sa trabaho ng kanilang mga employer.

Paglilinaw ni Dr. Rolly Cruz, Head ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit, hindi na nakauwi sa kanyang bahay sa Kamuning ang 29-anyos na pasyenteng nagpositibo sa B.1.1.7. SARS-CoV-2 matapos na dumating mula sa UAE.


Aniya, pagkababa sa paliparan ay idineretso na ang pasyente sa quarantine facility.

Dagdag pa ni Cruz, dapat na mas matakot ang mga tao kung hindi sila sumusunod sa health protocols.

Nagpapagaling pa ang pasyente sa isolation facility sa Quezon City habang patuloy na tinutunton ng mga otoridad ang sampung kataong kasama niya sa Emirated Flight No. EK 332.

Samantala, ngayong araw din posibleng mailabas ang resulta ng swab test ng mga health worker na sumundo sa pasyente.

Facebook Comments