Mga tatanggalin sa listahan ng 4Ps at mga backer nito, hindi kakasuhan ng DSWD

Hindi magsasampa ng kaso ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa mga benepisyaryong tatanggalin sa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), gayundin sa mga backer o mga taong nagproseso nito.

Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, hindi aniya ito patas dahil mayroong mga sinusunod na kondisyon bago tanggalin sa listahan kung kaya’t hindi sila maituturing na “criminally liable”.

Magsusumite aniya ang ahensya ng panibagong listahan sa National Economic and Development Authority (NEDA) at Malacañang.


Dagdag pa ni Tulfo, maaaring abutin pa ng ilang linggo ang paglilinis sa listahan dahil kailangan pang abisuhan ang nakalista at hindi basta pwedeng tanggalin na lang.

Matatandaang batay sa iniulat ng DSWD kay Pangulong Bongbong Marcos sa ikatlong cabinet meeting ay nasa 1.3 milyon mula sa 4.4 milyong benepisyaryo ng 4Ps tatanggalin sa listahan dahil hindi na ito maituturing na mahirap.

Facebook Comments