
Naglabas ng pahayag ang Manila Police District (MPD) kaugnay sa viral na pagharang ng isa nilang patrol vehicle na nagdulot ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa may bahagi ng Taft Avenue.
Ayon sa Ermita Police Station, naka-assign sa J. Bocobo Police Community Precinct ang naturang sasakyan na nakuhanan ng video.
Agad naman pinagpaliwanag ang sangkot na tauhan at nagsagawa na rin sila ng imbestigasyon kaugnay sa insidente.
Sa ngayon ay pansamantala ring ni-relieve sa pwesto ang mga tauhan na sangkot habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.
Tiniyak naman ng pamunuan na mahigpit nilang susundin ang due process at pananagutin sakaling mapatunayan na nagkaroon ng paglabag ang kanilang tauhan.
Nauna nang inisyuhan ng show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang Philippine National Police (PNP) bilang rehistradong may-ari ng nakuhanan sa video na sasakyan.
Suspendido na rin sa loob ng 90 araw ang lisensiya ng sangkot na driver habang inilagay na sa alarm status ang naturang patrol.










