Mga tauhan ng cargo vessel na nakabangga sa bangka ng mangigisda sa Palawan, kinasuhan na

Ihihinto na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isinasagawa nilang search and rescue operation sa pitong mangingisda nawawala.

Partikular ang mga mangingisda na sakay ng FB JOT-18 na binangga ng cargo vessel na MV Happy Hiro sa karagatan sakop ng Agutaya, Palawan.

Ayon kay PCG Commandant, Admiral Artemio Abu, tinapos na ng MARINA at Coast Guard ang imbestigasyon.


Isa sa mga lumabas sa imbestigasyon na isang crew lang ng MV Happy Hiro ang naka-duty ng maganap ang insidente.

Kaya’t dahil dito naghain ang PCG ng kaso sa Antique Prosecutors Office laban sa ilang mga tauhan ng MV Happy Hiro tulad reckless imprudence resulting in multiple homicide at serious physical injuries.

Sinabi pa ni Admiral Abu na nananatili ang cargo vessel sa Antique at hindi ito papayagan makalayag ng Coast Guard.

Dagdag pa ng opisyal ng Coast Guard, sisikapin rin nilang magpa-abot ng tulong sa pamilya ng mga mangingisda katuwang ang ahensiya ng pamahalaan.

Aniya, hindi nila ipinagpapalagay na patay na ang pitong mangingisda pero isasagawa na ng Coast Guard ang search and retrieval operation.

Facebook Comments