Hindi pinalampas ng mga tauhan ng Commission on Election (COMELEC) ang volunteer center ni Vice President Leni Robredo na matatagpuan sa EDSA.
Ito ay matapos na magsagawa ng pagbabaklas ang mga tauhan ng Commission on Election (COMELEC), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP) sa mga poster ng mga kandidato na wala sa tamang lugar at sukat.
Pero sa halip na ang mga tauhan ng MMDA ang magbaklas, kusa ng pinagtatanggal ng mga volunteer ang mga poster.
Wala kasi sa sukat ang mga poster na may katagang Leni-Kiko 2022 at ang malaking larawan nina Robredo at Senador Pangilinan.
Paliwanag ni National Capital Region (NCR) COMELEC Dir. Jovencio Balanquit, pinadalhan na nila ng notice noong Biyernes ang nangangasiwa sa lugar.
Giit ng opisyal, dapat sumunod sa 2 by 3 feet na sukat ang lahat ng political poster kahit na nasa pribadong lugar ito.
Ngayong araw, northbound lang ng EDSA mula Pasay City hanggang Monumento, Caloocan ang sakop lang ng pagbabaklas.
Wala pa umanong schedule kung kailan ang kabilang panig naman ng EDSA.
Kompyansa naman si Dir. Balanquit na napadalhan na rin ng notice ang iba pang mga kandidato na lumalabag sa hindi tama ang sukat ng mga poster.