Cauayan City, Isabela- Tumugon na rin sa pagbibigay ng tulong ang pamunuan ng Department of Education (DepED) region 2 sa mga pamilyang apektado ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay DepED Regional Director Dr. Benjamin Paragas, pinakilos na nito ang mga personnel ng ahensya para magsagawa ng relief operations sa lungsod ng Tuguegarao maging sa mga bayan ng Enrile at Solana.
Maliban sa mga pamilyang apektado ng pagbaha ay nagpaabot din ito ng tulong para naman sa guro na naapektuhan din ng nasabing kalamidad.
Sinabi rin ni Paragas na nagsimula ng mag-ikot ang mga tauhan nito para tignan ang pinsala sa mga silid-aralan para sa gagawing rehabilitasyon sa mga ito at mga bagay na pwede pa namang mapakinabangan.
Iginiit din nito na may konsiderasyon ang pamunuan ng DepED sa mga mag-aaral at guro na apektado ng pagbaha ngayong pahirapan para sa lahat ang suplay ng kuryente para sa kanilang online class.
Samantala, kinumpirma din ni Paragas na naibigay na ang mga year-end bonus ng mga guro sa pampublikong paaralan noong lunes, November 16.
Nagpaalala naman ang opisyal sa lahat ng mga mag-aaral at guro na hindi kinakailangan na mawalan ng pag-asa ngayong labis na naapektuhan ang karamihan sa hagupit ng bagyo.