Mga tauhan ni Vico Sotto, hindi raw minura, sinigawan ni ex-PBA player Roger Yap

Images from their respective social media accounts

Hindi man siya tinukoy ni Pasig City Mayor Vico Sotto, lumantad ang dating PBA player na si Roger Yap para sagutin ang paratang na minura at sinigiwan niya ang mga frontliner na namimigay ng tulong pinansyal sa isang subdivision ng siyudad.

Paglilinaw ni Yap, “misunderstanding” ang nangyari kaya maling impormasyon ang nakarating sa alkalde.

Hindi raw totoong nagwala o nagsalita siya ng masama habang nag-aabot ng ayuda ang mga tauhan ng city hall sa Pasig Green Park Village noong Lunes ng hapon.


Sinabihan lang daw niya ang mga ito na dapat relief goods ang ipinamamahagi nila sa komunidad imbis na P300 na food coupon.

Giit pa ng dating manlalaro ng Purefoods, sana raw dinampot na siya ng kasamang roving security kung totoong nagmura siya.

Kamakailan, nainis at nagalit si Sotto sa kaniyang Facebook Live session nang mabalitang minura umano ng isang basketbolista ang kanilang team leader dahil baka raw naliitan sa ipinamigay na tulong.

Kasamahan daw noon ng bayaw niyang si Marc Pingris ang nasabing PBA player.

Dahil dito, nagpatulong umano si Yap kay Pingris na kausapin ang opisyal upang linawin ang insidente.

“Hindi kasi ako sanay na nalalagay sa ganito. Hindi ako pwedeng manahimik lang kaya nagpunta ako. Nag-usap kami at nagkaayos naman. Ang sinabi niya sa akin, sige at pasensya na,” dagdag ni Yap.

Aminado ang basketbolista na sumama ang loob niya dahil sa alegasyon na aniya nakakasira ng imahe.

Sa huli, hiniling ni Yap sa publiko na tigilan ang panghuhusga o pambabatikos lalo na kung hindi alam ang buong pangyayari.

Facebook Comments