Nanawagan si Senator Grace Poe sa mga telecommunications companies na paigtingin ang kanilang kampanya para mas maraming mobile phone subscribers ang mahikayat na sumunod sa batas na pagpaparehistro ng SIM.
Hanggang nitong January 9, aabot sa mahigit 16 million na SIM cards o 9 percent pa lang ng 168 million subscribers ang nakapagparehistro ng kanilang mga SIM mula sa tatlong telcos sa bansa.
Giit ni Poe, hindi sasapat ang mga araw kung ang higit sa 100 million subscribers ay ‘last minute’ o kung kailan malapit na ang deadline ay saka lang magre-register ng kanilang mga SIM.
Inamin ni Poe na nababahala lamang siya na baka mayorya ng mga users ay sa huling bahagi na magparehistro ng kanilang SIM na isang malaking hamon sa pag-kontrol sa traffic o taas ng volume ng mga registrants.
Nakiusap din si Poe sa mga telcos na patuloy na magpadala ng mensahe o advertising campaign para palaging mapaalalahanan ang mga subscribers ng tamang link sa official website o channel ng registration.
Nagbabala rin ang mambabatas sa publiko na mag-ingat sa kumakalat na fake o hindi awtorisadong sites na lumilinlang sa mga subscribers para manakaw ang kanilang mga personal na impormasyon.