Sundalo, nasawi matapos anurin ng baha sa Northern Samar

Patay ang isang sundalo habang ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang miyembro ng Search and Rescue Team sa bayan ng San Isidro, Northern Samar.

Kinilala ang nasawing sundalo na si Cpl. Jerry Palacio, 34 taong gulang at operations officer ng 43rd Infantry Battalion ng Philippine Army.

Batay sa impormasyong ipinabatid ng Northern Samar Provincial Police Office sa Kampo Krame, habang binabagtas ni Palacio ang kalsada patungong Brgy. Happy Valley sakay ng motorsiklo noong Lunes ay inanod ito ng rumaragasang baha.


Nabatid na walang tigil ang ulan sa lugar dahilan ng pagbaha roon.

Agad namang narekober ang mga labi ng sundalo at ipinagbigay sa naulila nitong pamilya.

Sa ngayon, tuloy-tuloy ang search and rescue operations sa bayan ng San Isidro dahil sa nararanasan pa rin mga pagbaha dulot ng sama ng panahon.

Facebook Comments