Muling nagisa sa ikalawang araw ng pagdinig ng Senado si Bureau of Corrections o BuCor Director General Nicanor Faeldon dahil sa magkakasalungat na pahayag nito ukol sa naudlot na pagpapalaya kay dating calauan Mayor Antonio Sanchez sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance o GCTA law.
Unang naipuntos ng mga senador laban kay Faeldon ang pagpirma nito sa release order para kay Sanchez noong August 20 na sabi niya ay kusa rin niyang binawi makalipas ang ilang minuto.
Pero nang usisain ni Senator Panfilo Ping Lacson ang kwento ni Senator Bong Go ay lumabas na nahinto lang ang pagpapalabas kay Sanchez dahil sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong August 21.
Ayon kay Senator Go, pinatawagan sa kanya ni Pangulong Duterte sina Faeldon at Justice Secretary Menardo Guevarra para huwag ituloy ang pagpapalaya kay Sanchez.
Punto ni Lacson, malinaw sa naging tugon ni Faeldon kina Senator Go at Secretary Guevarra na wala pa itong aksyong ginagawa para mahinto ang pagpapalaya kay Sanchez.
Nang hingin ni Lacson ang dokumento na nagpapakita ng pagbawi nya sa release order ay walang naiprisinta si Faeldon dahil verbal lang daw niya ito ginawa.
Sa pagdinig ay iginiit ni Faeldon, na naniniwala syang hindi dapat makinabang sa GCTA law si Sanchez.
Pero puna ni Lacson, taliwas ito sa ginawa ni Faeldon na pagpirma sa Memorandum of Release para kay Sanchez.
Paliwanag naman ni Faeldon, ginawa niya iyon dahil sapat ang dokumento na ibinigay sa kanya ng BuCor legal officer na nagrerekomenda ng pagpapalaya kay Sanchez.
Sa tingin ni Lacson, nagsisinungaling si Faeldon.