Mga Tinatamaan ng COVID-19 sa Bayan ng Gamu, Dumadami

Cauayan City, Isabela- Dumarami na ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bayan ng Gamu matapos makapagtala ng 27 na panibagong kaso mula sa 68 na new cases sa buong lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Nestor Uy, pumalo na sa 65 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa kanyang nasasakupan dahil sa pagkakatala ng maraming nagpositibo na karamihan sa mga ito ay asymptomatic o walang sintomas ng COVID-19.

Kasalukuyan ngayon na sumasailalim sa total lockdown ang buong barangay ng District III na magtatagal hanggang ika-28 ng Oktubre ng taong kasalukuyan.


Ayon pa sa Alkalde, nacocontain naman ang local transmission sa kanyang nasasakupan dahil agad na isinasialalim sa lockdown ang mga lugar ng mga nagpositibo.

Sapat din aniya ang quarantine facilities ng Gamu para sa mga asymptomatic patients subalit kung magpapatuloy aniya na makakapagtala ng mga bagong kaso ay hindi na kakayanin at magkukulang ng pasilidad.

Tiniyak naman ni Mayor Uy na mabibigyan ng relief assistance ang mga residente na apektado ng total lockdown.

Umaapela ito sa mga kababayan na huwag maging pasaway, sumunod sa umiiral na health and safety protocols upang makaiwas sa banta ng COVID-19.

Facebook Comments