Mga tindahan sa Maynila na sobra-sobra ang singil sa presyo ng face mask, binalaan ng lokal na pamahalaan

Binalaan ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga negosyante na nanamantala sa pagbebenta ng face mask sa lungsod.

Ito ay matapos na kumpirmahin ng Department of Health (DOH)  na may isang kaso ng 2019 Novel Coronavirus sa bansa at nasa isang Ospital sa Maynila.

Ayon kay Moreno, handa nilang patawan ng criminal charges ang mga may-ari ng tindahan na sobra-sobra ang presyo ng mga face mask.


Aniya, patuloy na magmo-monitor at mag-iikot ang lokal na pamahalaan sa mga tindahan sa Maynila at kapag napatunayang may sala ay kakasuhan ng kriminal at kakanselahin din ng tuluyan ang kanilang business permit.

Sinabi ni Moreno na ang ganitong uri ng iligal na gawain ay hindi nakakatulong sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa hinggil sa kaso ng N-CoV.

Samantala, namigay naman ang lokal na pamahalaan ng 6,200 na face mask sa San Lazaro Hospital kung saan nakatakda din silang mamahagi ng 500,000 na face mask sa mga estudyante na nasa pampublikong paaralan.

Facebook Comments