Mga tindahan sa Pasig Mega Market, dalawang buwan nang walang supply ng NFA; presyo ng bigas, bahagyang tumaas

Naniniwala ang mga tindera ng Pasig Mega Market na kakaunti lamang ang ani ngayong taon kaya tumaas ng piso hanggang dalawang piso ang presyo ng bigas sa ilang tindahan.

Umaangal na ang mga mamimili dahil ang presyo ng regular-milled rice na dating ₱34 hanggang ₱35 kada kilo bago ang Luzon lockdown, ngayon ₱36 hanggang ₱38 na.

Habang ang well-milled rice na dating ₱36 hanggang ₱40, ngayon ay ₱37 hanggang ₱43 na ang bentahan kada kilo depende sa kalidad.


Ayon kay Ernesto Tuazon, rice vendor sa naturang palengke, maliban sa nahirapan sa pagbiyahe ng mga bigas mula sa mga probinsya, kakaunti lang ang ani ngayong may COVID-19.

Samantala, dalawang buwan naman nang walang suplay ng NFA rice sa Pasig Mega Market.

Sa mga munisipyo na kasi ibinabagsak ng mga supplier ang mga NFA rice para magamit sa pamimigay ng ayuda sa mga mahihirap.

Dahil dito, ang ilang mga namamalengke, nauuwi sa pagbili ng pinakamurang bigas na makikita nila.

Eksakto lang umano ang budget sa pamamalengke at kailangan nila itong pagkasyahin.

Umaasa naman ang mga tindero at tindera ng bigas sa Pasig Mega Market na kapag mas lumuwag na ang community quarantine ay babalik na ang supply ng NFA sa kanila dahil ito ang mas mabenta sa mga mamimili.

Facebook Comments