Maaaring ibigay ang pangalan ng sinumang tipster o magsusumbong ng corrupt activities sa gobyerno bago sila bigyan ng isentibong alok ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang nakipag-partner ang Office of the President (OP) sa dalawang telecommunication companies para ilunsad ang text service platform 8888 citizens’ complaint hotline.
Sa ilalim nito, maaaring mag-text ang publiko sa 8888 para magsumbong ng korapsyon at mabagal na serbisyo ng alinmang tanggapan ng gobyerno. Ito ay libre o walang singil sa load.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dapat matunton ng gobyerno ang informant lalo na kung ang ibinigay na impormasyon ay nakatulong para mahuli ang tiwaling public servant.
“Matagal na pong gumagana ang 8888, ang bago lang po ngayon ay pupuwede nang mag-text. Dati kasi kinakailangan tumawag ‘no pero minsan talagang hindi enough ang linya, ngayon po text pupuwede na,” ani Roque.
“Pupuwede kayong magpakilala, pupuwede kayong maging confidential informant. Pero kung ang habol ninyo po ay ang ayuda ay siyempre po kinakailangan ibigay ang inyong mga pangalan,” dagdag pa ni Roque.
Kapag nag-report ang publiko sa 8888, ipapadala ng Office of the President ang concern sa pinuno ng tanggapan ng gobyerno para gawan ng aksyon.
Ang complainant ay bibigyan ng locator number para mabigyan sila ng updates hinggil dito.
Aabot ng hanggang ₱100,000 ang alok na pabuyan ni Pangulong Duterte sa mga makakapagsumbong ng katiwalian sa pamahalaan.
Tiniyak din ng Pangulo na poprotektahan niya ang pagkakakilanlan ng mga informant.