Nagpapatuloy ang mga ginagawang hakbang ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para mapaghandaan ang mga trabahong dala nang pagdalo nang Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa World Economic Forum sa Switzerland.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni TESDA Deputy Director Aniceto John Bertiz III na sa pamamagitan nang kanilang National Technical Education Skills Development Plan, natutukoy ang mga kurso sa TESDA na kailangan pang mabuo sa tulong na rin ng mga partners ng TESDA sa buong bansa.
Dine-develop rin daw ang mga skills ng mga Pilipino na nag-aaral sa TESDA.
At upang magkaroon ng tinatawag na mutual recognition ng training at certification, mayroon iba’t ibang collaboration ang TESDA sa Hungary, Korea, Japan, Middle East at iba’t ibang mga bansa.
Sinabi ni Deputy Director Bertiz III, ina-adopt nila ang mga best practices ng mga bansang ito upang makapaghanda ang workforce sa mga trabahong dala ng mga investors sa Pilipinas.
Isa rin sa magandang paghahanda ayon kay Bertiz III ay ang mailagay ang TESDA bilang attached agency ng Department of Labor and Employment (DOLE) para maresolba ang jobskills mismatch .
Sa ngayon ayon pa kay Bertiz III, mayroong 16 na regional offices, 82 provincial offices at halos 5000 mga TESDA sa private at public schools ang naghahanda rin sa mga trabahong dala ng investment sa pagdalo ng pangulo sa World Economic Forum.