Mga traffic violation sa NCAP, makikita na rin sa eGovPH app

Ilulunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang integration ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa eGovPH app.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DICT Undersecretary for e-Government David Almirol Jr. na malapit nang magamit ng mga motorista ang eGovPH app para tingnan ang kanilang mga traffic violation sa NCAP.

Oras na makumpleto na ang sistema, makakatanggap ang mga motorista ng abiso tungkol sa kanilang violation, kalakip ang larawan at video bilang ebidensya at maaari na rin nilang bayaran ang multa online.

Bukod sa NCAP, isinasama rin sa app ang iba pang sistema ng traffic monitoring tulad ng MMDA Single Ticketing System at Land Transportation Management System ng Land Transportation Office (LTO).

Layunin ng proyekto na gawing mas madali para sa mga motorista ang pagmonitor sa kanilang status, at ang pagbayad ng multa bago mag-renew ng lisensya.

Facebook Comments