Nasa normal pa ang operasyon ng mga transmission lines at pasilidad ng National Grid Corporations of the Philippines sa ilang lugar sa Luzon at Visayas habang binabayo ni bagyong Ursula.
Gayunman, may mga paghahanda nang ipinatutupad ang NGCP para malimitahan ang epekto ng bagyo.
Kabilang sa kanilang paghahanda ang pagtatalaga ng mga line crew sa mga strategic areas, paglalagay ng mga communication equipment, sapat na hardware materials at supplies na magagamit sa repair at damages ng pasilidad.
Ayon sa Integrated Disaster Action Plan ng NGCP, ang kanilang ginagawa ay bahagi ng kahandaan ng lahat ng Transmission facilities sa pagdaan ni bagyong Ursula.
At para mapabilis ang restoration works at maibalik agad ang normal na daloy ng elektrisidad.
Base sa huling ulat na inilabas ng PAGASA Weather Bureau kaninang alas 8:00 ng umaga, nasa Typhoon Signal Number 2 ang lalawigan ng Romblon, Albay, Sorsogon, Masbate kabilang ang Burias at Ticao Island.
Nakataas din ang Signal No. 2 sa 35 lalawigan sa Visayas habang nasa Signal No. 1 naman ang 17 lugar sa Luzon at 71 sa Visayas kabilang ang Dinagat Island, Surigao Del Norte, Siargao at Bucas Grande Islands.