Tumatakbo na sa bilis na 60 kilometer per hour ang mga tren sa linya ng MRT-3.
Dahil dito, mababawasan na ang average time sa pagitan ng tren ng tatlo’t kalahati hanggang apat na minuto mula sa dating walo hanggang siyam at kalahating minuto.
Mapapaiksi na rin ang travel time sa 50 minuto mula sa dating isang oras at 15 minuto mula sa North Avenue station hanggang Taft Avenue.
Ayon kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati, ang pagbabago sa bilis ng tren ay resulta ng pagpapalit ng bagong riles sa rail line na bahagi ng isinagawang malawakang rehabilitasyon sa MRT-3.
Matapos ang rail replacement noong buwan ng Setyembre, mula sa bilis na 30 kilometer per hour, unti-unting itinaas sa 40 kph at 50 kph ang operating speed ng tren hanggang sa 60 kph.
Dagdag pa ni Capati, huling tumakbo sa bilis na 60 kph ang tren ng MRT-3 ay noon pang Setyembre 2013.