
Nangangamba ang grupo ng mga trucker na maapektuhan ang katatagan ng suplay ng pagkain dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel.
Ayon sa grupo, mula sa dating P3,000 ay umaabot na sa P9,000 ang kanilang gastos sa diesel.
Ayon kay Inland Haulers & Truckers Association Chairman at President Teodorico Gervacio, nais na sana nilang magtaas ng trucking rates, ngunit nangangamba silang lalo itong magpapahirap sa mga supplier at manufacturer ng pagkain.
Aniya, kung maraming trucker ang titigil sa operasyon, maaantala ang delivery ng bigas, animal feeds, at iba pang farm inputs.
Kabilang ang mga trucker sa nananawagan sa pamahalaan na magbigay ng subsidy sa diesel.
Samantala, naghain na rin ng position paper sa Malacañang ang mga driver ng jeepney, taxi, tricycle, at bus upang hilingin ang parehong tulong sa gitna ng oil crisis.










