Problemado ngayon ang mga tsuper sa malaking taas-presyo sa petrolyo ngayong linggo.
Kasunod ito ng anunsyo na posibleng umakyat sa hanggang P6.20 ang taas-presyo sa kada litro ng diesel habang nasa hanggang P1.60 ang posibleng itaas sa kada litro ng gasolina.
Umaasa pa naman ang mga ito na makakabawi na sana sa kita dahil sa pagdami ng pasahero ngayong balik-eskwela.
Giit pa ng mga tsuper, hindi sapat ang pitong linggong sunud-sunod na rollback nitong mga nakaraang buwan para makabangon sa mga utang nila.
Nangangamba rin ang iba dahil baka kakarampot na naman muli ang kanilang mai-uuwing kita sa kanilang mga pamilya matapos ang magdamag na pamamasada.
Una nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na nagsimula nang mag-imbak ang mga mayayamang bansa ng langis para sa nalalapit na winter season dahilan para lumobo ang demand para rito.
Samantala, umaasa ang mga tsuper na mabibigyan sila ng fuel subsidy upang maibsan ang inaasahang pagsipa ng presyo sa krudo.