Cauayan City, Isabela- Bumubuhos ngayon ang mga tulong sa probinsya ng Cagayan matapos ang naranasang matinding pagbaha dulot ng Typhoon Ulysses.
Ito’y dahil na rin sa mabilis na pagkalat ng #CagayanNeedsHelp sa social media at nanguna pa sa Twitter.
Sa patuloy na monitoring ng 98.5 iFM Cauayan, nag-uumpisa nang bumangon mula sa matinding pagbaha ang mga mamamayan sa Cagayan katuwang ang mga nasa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pagdating ng mga tulong at donasyon sa probinsya na ipinapamahagi ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, iba’t-ibang organisasyon, grupo at mga private individuals sa mga lugar na naapektuhan ng pagbaha.
Halos nadadaanan na rin ang mga kalsada maging sa bayan ng Baggao na pansamantalang isinara noong kasagsagan ng pagbaha.
Dagdag dito, niluwagan din ang pagbabantay sa boarder chekpoint para sa mga pumapasok na magsasagawa ng relief operation.
Sa kabila ng mga tulong at donasyon na bumubuhos sa probinsya, tumaas naman ang presyo ng mga gulay sa Lalawigan gaya na lamang ng amplaya na umabot na sa 140 pesos ang isang kilo mula sa dating presyo na 80 pesos habang ang talong ay umabot na sa presyong 100 pesos kada kilo.
Samantala, nasa 155 ang COVID-19 active cases sa Cagayan, kung saan 114 ang mula sa Tuguegarao City.