Mga tumakbo sa midterm elections, nagpasa ng kanilang SOCE sa itinakdang deadline

Halos kalahati ng senatorial candidates ang nakapaghain ng kanilang Statements of Contributions and Expenditures o SOCE sa Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Comelec Campaign Finance Office (CFO) officer-in-charge Efraim Bag-Id – 28 mula sa 63 senatorial candidates ang naghain ng kanilang SOCE habang 91 mula sa 134 party-list groups ang nakapagpasa ng SOCE sa itinakdang deadline ng komisyon.

Nasa limang national political parties ang nakapaghain na rin ng SOCE.


Si Senator-elect Bong Go ay gumastos ng ₱161,418,299 na campaign fund na halos galing mula sa kontribusyon ng kanyang mga taga-suporta.

Kabilang din sa top spenders ay si Senator-elect Francis Tolentino na may ₱159,169,836

May mataas naman na campaign expenditure si Senator Grace Poe na may ₱156,433,463

Lumalabas naman sa kanyang inihaing SOCE na hindi tumanggap ng anumang campaign contribution si Senator Cynthia Villar na may ₱135,529,061.

Ang nagbabalik-senadong si Senator Bong Revilla ay gumastos ng nasa ₱121,952,358

Si Senator Pia Cayetano ay gumastos ng ₱73,714,198.

Nasa ₱56,785,472 ang nagastos ni Senator Nancy Binay.

Ang mga nanalo namang kandidato ay maaari pa ring maghain ng kanilang SOCE sa loob ng anim na buwan mula sa kanilang proklamasyon subalit hindi sila maaaring makapagsimulang manungkulan sa June 30.

Sampung libong piso naman ang multa sa mga nanalong senador at party-list na mabibigong maghain ng SOCE ngayong araw na ito.

Facebook Comments