Manila, Philippines – Aminado ang Grab Philippines na mahihirapan silang tugunan ang inaasahang paglobo ng mga pasahero ngayong Disyembre.
Ayon kay Brian Cu, country head ng Grab Philippines, inaasahan nilang tataas pa ng 30 percent ang mga gagamit ng kanilang serbisyo.
Gayunman dahil sa hindi naman tumataas ang bilang ng mga sasakyan nila ay asahan nang may pagkakataon na wala talagang masasakyan o mas mahaba ang waiting time o paghihintay lalo na sa peak hours.
Sinabi ni Cu na may ginagawa naman silang hakbang para tugunan ito kasama na ang paghikayat sa part time drivers nila na habaan ang pagseserbisyo para mas maraming maisakay.
Hinihimok rin naman nila ang publiko na subukan ang Grab share, isang serbisyo na nagsusulong ng carpooling.
Samantala, tiniyak rin ni Cu na ligtas ang impormasyong hawak nila ukol sa mga sumasakay sa Grab at walang panganib sa pagleak ng pribadong datos nila.
Sa katunayan aniya ay tuloy ang pakikipag ugnayan nila sa data privacy commission ukol dito.