Cauayan City, Isabela- Maaari nang magamit ng ibang ahensya ng pamahalaan o organisasyon ang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) kung kinakailangan ng karagdagang pwersa o tulong ng mga ito para sa mga mga proyekto.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Ginoong Chester Trinidad, Information Officer ng DOLE Region 2 sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Kanyang sinabi na hindi na lamang sa mga dating ipinapagawa ng barangay ang tinatrabaho ng mga benepisyaryo kundi maaari na silang magamit para sa mga proyekto ng iba’t-ibang ahensya gaya ng Farm to Market road ng DPWH o anumang proyekto ng LGU.
Malaking tulong na rin aniya ito sa mga katuwang na ahensya upang hindi na sila manguha ng bagong empleyado.
Sa mga ahensya na nangangailangan ng pwersa ng mga TUPAD workers ay kinakailangan lamang na makipag-ugnayan o magsumite ng proposal letter sa tanggapan ng DOLE.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang pamamahagi ng cash assistance sa mga TUPAD beneficiaries sa rehiyon na kung saan nasa mahigit 11,000 na ang natulungan.
Kamakailan lamang, aabot sa 250 beneficiaries mula sa bayan ng San Pablo sa Lalawigan ng Isabela ang nakatanggap ng ayuda mula sa TUPAD program ng DOLE samantalang nasa 300 beneficiaries naman ang natulungan sa bayan ng Tumauini.
Para sa mga nais mapabilang sa TUPAD Program, maaring lumapit sa PESO Manager o magtungo sa tanggapan ng DOLE upang masuri kung pasok sa nasabing programa.