Mga turista mula sa 9 pang bansa na kabilang sa “red list”, hindi na papayagang makapasok sa Pilipinas – Bureau of Immigration

Inihayag ngayon ng Bureau of Immigration na epektibo kaninang alas-12:00 ng madaling araw, ipinatupad na ang temporary travel ban ng mga pasahero mula sa siyam na bansa na kabilang sa “red list”.

Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Jaime Morente ang mga bansang ito ay ang Azerbaijan, Guadalupe, Guam, Israel, Kosovo, Montenegro, North Macedonia, Saint Lucia, at Switzerland.

Paliwanag ni Morente, ang mga pasahero mula sa nasabing mga bansa o nasa mga bansa sa loob ng huling 14 na araw bago ang pagdating sa Pilipinas ay hindi na papasukin.


Dagdag pa ni Morente na lahat naman ng pasahero na nakapagbiyahe bago ang implementasyon ng travel ban ay papayagan na makapasok pero sasailalim sa polisiya ng Bureau of Quarantine (BOQ).

Giit ng opisyal ang mga Pinoy naman na dumating mula sa Red List Countries sa pamamagitan ng government-to-government repatriation program o Bayanihan flights ay papayagan ding makapasok subalit sasailalim sa RT-PCR test at 14 day Quarantine.

Ang pagpatupad ng travel ban ay para mapabagal ang pagtaas ng COVID-19 cases at mapigil ang pagkalat ng Delta variant sa bansa.

Facebook Comments