Aabot sa 250 na mga turistang stranded sa Siargao Island ang nailikas na matapos ang pananalasa ng Bagyong Odette.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation ay kinamusta ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, Chairman ng komite, ang mga stranded na turista gayundin ang sitwasyon ng pag-rescue sa kanila.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Dir. Raffy Alejandro, nasa 250 na mga turistang stranded sa Siargao ang natulungan at isinakay sa C-130 para mailuwas sa Maynila.
Hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring sinisikap ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na mahanap at mailikas ang iba pang mga turista na stranded sa iba’t ibang lugar tinamaan ng bagyo.
Dagdag ni Alejandro, nakipag-ugnayan na rin sila sa Philippine Airlines at Cebu Pacific para maibiyahe ang iba pang mga apektadong turista.
Ginagawa na rin aniya ng Department of Transportation (DOTr) ang lahat ng paraan para ma-locate at mailikas ang iba pang stranded tourists.
Dagdag pa ni Alejandro, mayroong isang barko na inilaan ang Philippine Coast Guard (PCG) para masagip at maibiyahe ang stranded tourists.