Pinangangambahang lalo lang bumaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa mga susunod na araw.
Ayon sa National Water Resources Board (NWRB), hindi pa rin kasi sapat ang mga pag-ulan sa Metro Manila para umangat ang tubig sa Angat.
Kahapon ng hapon, sumadsad na sa 158.92 meters ang antas ng tubig sa Angat Dam na posibleng bumaba pa sa 154 hanggang 155 meters sa weekend.
Mas mababa na ito sa pinakamababang lebel na 157 meters na naitala noong 2010.
Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr. – dapat ay umabot man lang ng 180 meters ang lebel ng tubig sa dam para mabigyan ng magandang alokasyon ng tubig ang Metro Manila.
Ayon naman sa PAGASA – posibleng abutin pa ng hanggang tatlong buwan bago maibalik sa normal level ang tubig sa Angat Dam.
Dagdag pa ng PAGASA – dalawang bagyo ang kailangan para maibalik sa operational level ang Angat Dam.
Habang apat na bagyo naman ang kailangan para umabot ito sa spilling level.