Mga umano’y abusong ginawa ng mga pulis sa Traslacion, handang paimbestigahan ng PNP

Handa ang Philippine National Police (PNP) na paimbestigahan ang mga umano’y abuso o kalabisang ginawa ng ilang pulis sa Traslacion 2020.

Ito ay matapos masaktan ang ilang deboto sa ipinatupad na mahigpit na security measures ng pulisya kabilang ang paglalagay ng barbed wires sa Ayala Bridge, at paggamit ng container vans para harangin ang ilang kalsada.

Reklamo rin ng ilang deboto ay sadyang binalya, tinapakan, at winisikan sila ng tubig na may halong sili ng mga pulis.


Ayon kay NCRPO Director, Brig/Gen. Debold Sinas – bukas sila sa anumang reklamo.

Pero iginiit ni Sinas na may mga pulis ding nasaktan sa prusisyon.

Humingi rin ng paumanhin si Sinas sa mga debotong nasugatan sa prusisyon at nagpasalamat sa mga sumunod sa kanilang security measures.

Iginiit naman ni Manila Police District Spokesperson, Lt/Col. Carlo Manuel – malabong gawin ito ng mga pulis.

Wala rin silang kautusan na i-spray-an ng pepper spray ang mga pasaway na deboto.

Depensa rin ni Manila Mayor Isko Moreno – planado na ang mga inilatag na security measures at matagal nang inaabisuhan ang mga deboto hinggil dito.

Binigyang diin naman ng Malacañang – bagamat mahigpit ang seguridad, para pa rin ito sa kapakanan ng mga deboto.

Facebook Comments