Inanunsyo ng Embahada ng Pilipinas sa Seoul na pinalawig ng pamahalaan ng South Korea ang programa nito para sa boluntaryong pag-alis ng nasabing bansa ng mga dayuhang hindi dokumentado.
Sa abiso ng Ministry of Justice (MOJ) ng South Korea, ang extension ng programa ay hanggang sa January 31, 2025.
Kapag tumalima ang undocumented na dayuhan sa South Korea bago ang nasabing deadline, sila ay hindi na pagbabayarin ng multa at hindi sila malalagay sa blacklist.
Pinapayuhan naman ng Philippine Embassy ang mga undocumented na Pinoy na samantalahin ang nasabing extension.
Hinihikayat din ng Embahada ang lahat na manatiling nasa wasto at nasa ligal ang kanilang katayuan, gayundin ang pasaporte at iba pang dokumento, habang nagtatrabaho o naninirahan sa nasabing bansa.