Wednesday, April 1, 2026

Mga utility company, bangko at iba pang financial institutions, hinikayat na magpakita ng konsiderasyon sa publiko sa gitna ng krisis

Nanawagan si Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa mga utility company, bangko, at iba pang financial institutions na pairalin ang konsiderasyon, malasakit, at pakikiramay sa publiko ngayong nahaharap ang bansa sa matinding krisis.

Ayon kay Ordanes, umaasa siyang magsisilbing paalala ang Semana Santa sa mga nasabing sektor upang maging mas makatao at flexible sa kanilang mga polisiya.

Pangunahing hiniling ng mambabatas kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na utusan ang Development Bank of the Philippines (DBP) at Land Bank of the Philippines (LandBank) na palawigin ang payment relief para sa mga loan ng mga operator ng Public Utility Vehicles (PUV) at Transportation Network Vehicle Services (TNVS) mula Abril hanggang Hunyo.

Nananawagan din si Ordanes sa Energy Regulatory Commission (ERC) na atasan ang mga distribution utility na pansamantalang suspendehin ang pagpapadala ng disconnection notices at maglatag ng mga mekanismo upang hulugan ang mga hindi mabayarang bayarin sa kuryente.

Bukod dito, hinimok din niya ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sa pamamagitan ng Monetary Board, na magpatupad ng regulatory flexibility upang mabigyang-daan ang mga bangko na makapag-alok ng relief measures sa loans ng TNVS operators, gayundin sa mga mangingisda, magsasaka, at maliliit na negosyante.

Facebook Comments