Cauayan City, Isabela- Hindi tatanggapin ng LGU Naguilian ang sinumang indibidwal na uuwi sa naturang bayan maging sa mga Locally Stranded Indviduals (LSI’s) o Returning Overseas Filipino (ROF) na walang mga kumpletong dokumento.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Juan Capuchino, ayaw na aniya nitong maulit muli ang pagpupuslit ng ilan sa mga umuuwi sa bayan na hindi dumaan sa tamang proseso na posibleng naging dahilan ng pagkalat ng virus.
Iginiit nito na mahigpit ang kanyang mandato sa pagpapatupad ng guidelines at health protocols sa mga pumapasok at umuuwing indibidwal sa kanilang bayan sa pakikipagtulungan na rin ng mga opisyal ng barangay.
Hindi aniya pwedeng makarating sa barangay ang isang LSI at ROF’s o sinuman kung wala itong dalang mga requirements gaya ng health certificate at clearance of acceptance mula sa tanggapan ng alkalde sa pinanggalingang lugar.
Kanyang sinabi na ibabalik nito sa pinanggalingang lugar ang mga hindi susunod sa panuntunan na ipinatutupad ng lokal IATF dahil dalawang beses na aniyang nakapagtala ang bayan ng mga taong hindi dumaan sa tamang proseso na hinihinalang nagpakalat ng virus.
Kaugnay nito, sapat naman ang itinalagang quarantine facilities ng lokal na pamahalaan para sa mga uuwi pang LSI’s at ROF’s.