Mga vendor sa Divisoria, pinulong ng lokal na pamahalaan ng Maynila

Pinulong ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga vendors sa may bahagi ng Divisoria.

Ito’y upang muling ipaalala ang mga patakaran para sa mas ligtas at maayos na pamilihan sa lungsod ng Maynila.

Nasa mahigit 500 mga tindero’t tindera sa Divisoria ang kinausap ni Mayor Honey Lacuna kasama ang iba’t ibang mga pinuno ng City Treasurer’s Office, Bureau of Permits, Department of Public Services, Manila Traffic and Parking Bureau, Department of Engineering and Public Works, at Department of Tourism and Public Works.


Kasama ang mga chairman na nakakasakop sa Divisoria pati ang mga pulis at mga namumuno ng istasyon na nakakasakop dito.

Ipinakilala sa nasabing pulong ang mga otorisadong opisyales na naatasan sa koordinasyon at pangongolekta ng mga buwis.

Bukod dito ay siniguro ni Mayor Honey na patuloy ang suporta ng Manila LGU sa mga nagtitinda sa mas ikaliligtas nila pati ng mga mamimili dito.

Nakiusap rin ang alkalde sa kooperasyon ng bawat isa na mapanatili ang disiplina at kalinisan sa lugar lalo na’t paghahanda na din ito para sa nalalapit na panahon na kapaskuhan.

Nabatid na ilang reklamo ang natanggap ng tanggapan ni Mayor Honey dahil sa kabi-kabila ang naniningil sa kada pwesto kaya’t nababawasan ang kita ng mga nagtitinda sa Divisoria.

Facebook Comments