Manila, Philippines – Simula sa pahalik kahapon hanggang ngayon ay mas pinatindi pa ang latag ng medical units ng Philippine Red Cross o PRC para sa nagpapatuloy na Traslacion o prusisyon ng Itim na Nazareno simula kanina sa Quirino Grandstand sa Luneta patungo sa Quiapo Church.
Ayon kay Senator Richard Gordon, chairman ng PRC, ang kanilang team ng mga volunteers ay kinabibilangan ng 12 first aid stations, 19 na welfare desks at 1 emergency field unit.
Bukod dito ay may naka-deploy din ang PRC na 50 mga ambulance, 3 rescue boats, amphibian, mga rescue trucks, firetrucks, 6×6 trucks at humvees.
Layunin nito na maasistehan at agad mabigyan ng tulong medikal ang milyun milyong deboto ng Itim na Nazareno.
Karamihan sa medical teams ng PRC na kinabibilangan ng mga volunteer doctors at nurses ay nakapwesto simula kahapon sa paligid ng Quirino Grandstand at higit na ngayon sa area ng Quiapo.