Mga waging ‘millennials’ ngayong Halalan 2019

Image via Facebook/Vico Sotto

Bagama’t iniuugnay ang pagiging tamad at spoiled sa mga millennials, hindi naman maikakaila ang kamulatan at pagiging aktibo ng mga ito sa mga isyung pambansa–sa puntong marami na rin ang pumapasok sa politika.

Kilalanin ang ilan sa mga nangunang millennials sa bilangan ngayong Halalan 2019

Nathalie “Lee Ann” Debuque, 25


Nang makapagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), sa edad na 22, sinundan ni Lee Ann ang kanyang inang si Ma. Theresa Debuque, sa pagiging mayor ng Anilao, Iloilo noong 2016.

Ngayong 2019 ay natalo niya naman ang kalabang si Pinu Zerrudo ng PDP Laban.

Bryant Paul “BP” Biron, 25

Bilang anak ng dating Iloilo Rep. Dr. Ferjene, at kapatid ng susundang Barotac mayor, BJ Biron, maagang naexpose sa politika ang batang Biron.

Nanguna si Biron laban sa tatlo pa nitong katunggali sa pagka-mayor; Kap Abad Lobaton, Belbin Binas, at Robert Gustilo.

Josh Edward “Ediboy” Cobangbang, 24

Bukod sa nakapagtapos sa De La Salle University sa edad na 19, maaga rin itong sumabak sa politika. Sa edad ng 21 ay naihalal itong mayor ng Cabugao–pinakabata sa kasaysayan ng Ilocos.

Sa muling pagtakbo, nalamangan ni Ediboy ang katunggali nitong si DJ Savellano.

Vico Sotto, 29

Bagama’t anak ng entertainment icons Vic Sotto at Connie Reyes, pinili ni Vico ang landas ng politika. Noong 2016 ay nanguna rin siya sa councilor race sa kanyang distrito.

Landslide victory ang ibinigay ng mga botanteng Pasigeno sa batang Sotto, laban sa katunggali nitong incumbent Robert Eusebio, na 27 taong namuno sa Lungsod. Ngayon siya na ang natatanging millennial mayor sa buong Metro Manila.

(Mary Rose Garzon contributed to this story)

Facebook Comments