Cauayan City, Isabela- Nangunguna sa mga nahuhuli ng PNP Cabagan, Isabela na lumalabag sa mga ipinatutupad na protocols para makaiwas sa sakit na COVID-19 ay mga walang suot na face mask.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Noel Magbitang, hepe ng pulisya, sinabi nito na bagamat patuloy ang kanilang pagpapaalala sa publiko na laging magsuot ng facemask tuwing lalabas ng bahay ay marami pa rin aniya ang mga hindi sumusunod na sanhi ng kanilang pagkakahuli.
Umabot sa bilang na mahigit 300 ang kanilang naitalang nahuli na mga walang suot na face mask habang marami din ang mga nahuli sa hindi pag obserba sa physical/social distancing.
Sinabi ng Hepe na ilan sa mga nahuhuling lumabag sa quarantine protocols gaya ng walang suot na face mask at social distancing ay mga galing sa ibang bayan na namamalengke sa Cabagan.
Sa usapin naman ng angkas ay wala pa aniya silang namomonitor na sumunod sa kautusan ng IATF na paglalagay ng ‘barrier’ sa pagitan ng drayber at backrider.
Gayunman, nagpaalala pa rin si PMaj Magbitang sa kanyang kababayan na mag-aangkas ng asawa o live in-partner na sumunod pa rin sa kautusan ng IATF upang hindi mahuli.
Mensahe din nito sa mamamayan na sumunod lamang sa mga ipinatutupad na health and safety protocols upang makaiwas sa sakit na Corona virus Disease (COVID-19).