Mga watcher at volunteers na nasaktan ng mga sundalo sa Lanao del Sur, umalma at nanawagan sa COMELEC

Umalma ang ilang mga watchers at volunteers sa nangyaring kaguluhan sa Munisipyo ng Lumbatan, Lanao del Sur matapos ang nangyaring botohan.

Ayon kay Atty. Bayan Balt na kumakatawan sa mga watchers, salungat ang mga inilalabas na pahayag sa totoong nangyari sa nasabing munisipyo.

Giit ng abogado, naging marahas ang ginawang hakbang ng mga sundalo ng 103rd brigade ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga watcher partikular ang mga kababaihang Muslim.


Nabatid na nais lamang ng mga watchers at ng Board of Electoral Inspector na malaman ang instruction mula sa Commission on Elections (COMELEC) para ilipat ang mga vote counting machine (VCM) at mga balota sa provincial capitol.

Pero dumating ang mga masabing sundalo para kunin ang balota at VCM dahil utos daw ito ni Limbatan Mayor Allan Lao.

Hindi pumayag ang mga watchers at BEI dahil labag ito sa protocol ng COMELEC kaya’t dito na nagkaroon ng kaguluhan at nagawang saktan ng mga sundalo ang ilang mga kababaihang Muslim na pinoprotektahan ang mga balota at VCM.

Iginiit rin ng mga watcher na ang putok na nanggaling sa labas ay nagmula rin sa mga sundalong nagtungo sa nasabing munisipyo taliwas sa inilabas na pahayag na sila ang may kasalanan kung saan nagawa nilang maipuslit ang mga balota.

Giit ng mga watcher, maraming iregularidad ang nangyari na nais nilang ipaalam sa COMELEC kung saan nais din nila na malaman ng publiko ang totoong nangyari kung saan sa tingin nila nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga awtoridad at ng mga tauhan ng local COMELEC kaya’t nais nila itong paimbestigahan.

Facebook Comments