Nakaupo na bilang pang-25 Philippine National Police (PNP) Chief si Major General Debold Sinas.
Isinagawa ang PNP Change of Command Ceremony kanina sa PNP Multi-Purpose Center sa Camp Crame sa Quezon City na pinangunahan ni DILG Secretary Eduardo Año.
Si Lt. General Guillermo Eleazar bilang pangalawa sa pinakamataas na opisyal ng PNP o PNP Deputy Chief for Administration ang nagbigay ng opening remarks sa seremonya.
Sa kanyang mensahe, sinabi niya na full support ang buong PNP sa pagkakatalaga kay Major General Debold Sinas bilang PNP Chief.
Isa rin aniya itong karangalan sa kanilang klase, ang Philippine Military Academy Hinirang Class of 1987.
Sa mensahe naman ni Major General Sinas bilang bagong PNP Chief, nagpasalamat ito kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa tiwalang ibinigay sa kanya para pamunuan ang PNP.
Sinabi ni Sinas na titiyakin niya sa Pangulo at sa mga Pilipino na gagawin niya ang trabaho para sa PNP at taumbayan.
Lahat aniya ng mga troubles na kaniyang kinakaharap at kakaharapin ay ipinagkakatiwala niya sa Panginoon.
Panawagan naman ni Sinas sa mga PNP officers at myembro ng PNP na magtrabaho pa para labanan ang ilegal na droga, krimen at korapsyon.
Samantala, binigyan din ng Retirement Honors si outgoing PNP Chief General Camilo Cascolan, simula bukas siya ay isa nang pribadong indibidwal.
Una nang sinabi ni Cascolan na handa siyang tanggapin ang anumang iaalok ng Pangulo na posisyon sa kaniya sa gobyerno.