Aminado ang Manila International Aiport Authority o MIAA na kino-kontrol nila ang supply ng kuryente sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 (NAIA 2) kaya nakakaranas pa rin ang mga pasahero ng matinding init sa loob ng paliparan.
Ayon kay Manila International Aiport Authority (MIAA) General Manager Eric Jose Ines, hindi nila maaaring itodo ang supply ng kuryente sa paliparan dahil posibleng mauwi na naman ito sa power outage.
Aminado rin si Ines na kulang ang kanilang generator sets at kailangan munang dumaan sa bidding para makabili ng mga bagong generator sets.
Ang nakikita niya aniyang pansamantalang solusyon ay magrenta na lang muna ng generator sets.
Una nang nagreklamo ang mga pasahero sa NAIA Terminal 2 Departure Area dahil tila walang pagbabago ang air conditioning system sa paliparan simula nang magkaroon ng power outage noong Miyerkules Santo.